Friday, July 20, 2012

Poem 79 - Anghel

Isang gabing maaaliwalas ang panahon
Sa ilalim ng isang maliwanag na buwan
Natunghayan ko ang isang nilalang
Na walang katumbas ang kagandahan.

Ang akala kong isang ordinaryong gabi
Ay biglang nabalot ng kakaibang saya
Akala ko ay may anghel na bumaba
Upang punan ang buhay ko ng ligaya.

Ang isang napakaganda at napakaamong nilikha
Sa aking harapan ay mas lalo kong napagmasdan
Ang katulad niyang puno ng kagandahan
Hindi ko alam kong papaano ko ilarawan.

Ang mapupungay niyang mga mata
Ay sadyang mapang-akit at nakakahalina
At sa tuwing nagagalak siya
Sadyang nakakatukso ang sayang dulot niya.

Ang mga ngiting kay sarap pagmasdan
Akala mo ay isang napakagandang larawan
Talagang mapapako ang mga mata mo
At tunay mo itong kakababaliwan.

Bigla tuloy ninanais ng pusong ito
Na makasama siya sa bawat sandali
Talagang kakaiba ang dating niya
Sa mga labi ko ay ngiti ang namumutawi.

At sa kanyang paglisan ako'y nalungkot
Baka di ko na siya muling masilayan
Siya ang bukod tanging nagbigay buhay
Sa gabing walang buhay at may katamlayan.

Sa aking pagtulog at sana pati sa panaginip
Baon ko ang iyong mapagpalang alaala
Sana sa susunod na mga araw o gabi
Muling mapagbigyang makapiling ka.




No comments:

Post a Comment