Friday, July 19, 2013

Poem 131 - Pangarap

Simula nang makita at makilala kita
Ang mundo ko'y biglang nag-iba
Ang puso ko ay binihag mo
Laging ikaw ang laman ng isipan ko.

Kung tutuusin, di ka iba sa karamihan
Ngunit may naiiba kang kagandahan
Ako'y biglang nagkagusto sa iyo
Ikaw ang syang nagkulay ng mundo ko.

Sobrang saya ko tuwing makita ka
Ang ningning ng mga mata ko'y ibang-iba
Nag-uumapaw ang saya sa puso ko
Ang damdamin ko'y mahirap maitago.

Subalit wala akong sapat na lakas
Upang damdamin ko ay maipamalas
Bakit sa tuwing tatangkain kong lumapit
Di pa man nakahakbang, pabalik na ang pihit.

Sadyang hindi maitatanggi nitong puso
Ang turing sa iyo'y mas matimbang pa sa ginto
Karaniwan ka man sa paningin ng iba
Sa mga mata ko'y sadya mong napakaganda.

Kailan kaya darating ang panahon
Na magkaroon ako nang tamang pagkakataon
Upang itong nararamdama'y maipahiwatig
At iyong matanto itong aking pag-ibig.

Sa ngayon, mananatili kang isang pangarap
Parang isang bahaghari sa may alapaap
Napakaganda mong pagmasdan pero mahirap abutin
Isa kang pangarap na aking pilit titingalain.



No comments:

Post a Comment