Friday, December 9, 2011

Poem 47 - Huling Yakap

Yakapin mo ako sa huling pagkakataon
Sapat na ito parang isang pabaon
Hindi natin tiyak ang panahon na darating
Baka ito na ang huli nating magkapiling.

Hindi man sapat ang nalalabing oras
At imposible din ito upang ipaatras
Salamat pa rin at magkasama tayo
Kahit sa huling sandali, ikaw at ako.

Yakapin mo ako na para bang walang bukas
Kung pwede nga lang hindi na tayo kakalas
Ang huling yakap natin ay isang patotoo
Ng wagas na pag-ibig san man tayo patungo.

Kahit kaunti na lang ang nalalabing sandali
Walang dahilan para tayo'y mag-aatubili
Isang yakap na magiging habambuhay na alaala
Huling yakap na pupuno sa ating pag-iisa.

Yakapin mo ako na puno ng pagmamahal
Tanging pabaon kasabay ng isang dasal
Na kahit anong mangyari pagkatapos nito
Hindi maglalaho kung anong meron tayo.

At sa bawat hakbang papalayo sa isa't isa
Ang tanging hiling, isang magandang pag-asa
Na ang ating huling yakap ay hindi magwawakas
At muling magkapiling sa darating na bukas.



No comments:

Post a Comment