Friday, February 17, 2012

Poem 57 - Yakapin Mo Ako

Yakapin mo ako
Kahit isang saglit
Sapat na ito
At ang balisa'y maiwaglit.

Yakapin mo ako
Ng aking madama
Na ako'y may karamay
At di nag-iisa.

Marahil hindi mo alam
Ang yakap mo'y makapangyarihan
Hatid nito'y kakaibang ginhawa
Sa tulad kong pinanghihinaan.

Isang yakap mo lang
Mapapawi anumang ligalig
Dala nito'y bagong pag-asa
Sa nauupos kong pananalig.

Yakapin mo ako
Upang ang lungkot ay maibsan
Tanging ang yakap mo
Hatid ay kagalakan.

Yakapin mo ako
At dinggin ang pananaghoy
Para ang tumigil na buhay
Ay patuloy na dadaloy.

Hindi kayang itatwa ang saya
Kapag ang yakap mo'y madama
Tulad ito ng isang alapaap
Kakaibang galak at halina.

At tanging ang yakap mo
Ang magbibigay saysay sa buhay ko
Dahil ikaw at tanging ikaw lang
Ang ninanais nitong puso ko.

Yakapin mo ako
Para dugtungan ang buhay ko
Dahil sa isang kisap-mata
Pwedeng magwakas ito.


No comments:

Post a Comment