Friday, November 2, 2012

Poem 94 - Mahirap Mag Let Go

Bakit mahirap mag let go
Sa isang katulad mo
Kahit anong pilit ko
Tanging ikaw lang sa puso ko.

Hanggang ngayon ay ikaw pa rin
Ang laman nitong damdamin
Hindi ko kayang dayain
Kahit pilit kitang limutin.

Masasayang mga sandali
Ay pilit na namumutawi
Ako ay napapangiti
Kahit sa maikling sandali.

Pinilit kong hanapin ka
Dahil mahal pa rin kita
Nagbabakasakaling Makita ka
Aking mahal, aking sinta.

Subalit di siguro tayo laan
Bukas man o magpakailanman
Ang ating pinagsaluhan
Ay kahapong panandalian.

Hindi na ako umaasa
Na muling makapiling ka
Sadyang mapaglaro ang tadhana
At tayo’y di para sa isa’t isa.

Masakit mang tanggapin
Mistula akong isang alipin
Pag-ibig mong di ko maangkin
Ikaw na mananatiling papangarapin

Kailan kaya  makakawala
Ang pusong nakagapos sa tanikala
Pilitin mang umalagwa
Patuloy pa ring nagdurusa.

Kahit na pinalaya na kita
Kahit na kapalit ay pagdurusa
Kahit sa gitna ng aking pag-iisa
Ikaw lang ang nasa isip, sinta.

Sadyang mahirap mag let go
Kapag mahal mo ang isang tao
Kahit magunaw man ang mundo
Ikaw pa rin ang isinisigaw ng puso ko.



No comments:

Post a Comment