Friday, November 15, 2013

Poem 148 - Bakit Iisa Lang Ang Kulay Ng Bahaghari

Nakaupo ako sa tabi ng bintana
Sinasariwa ang mga gunita
Nakatingin sa may kalayuan
Binabalikan ang nakaraan.

Kay ganda ng ating simula
Pag-ibig ang siya nating panata
Marami tayong mga pangarap
Sintayog ito ng alapaap.

Masasaya't makukulay na mga sandali
Mga ngiting sa labi'y namumutawi
Walang katapusang kaligayahan
Sa isa't isa tayo'y nakalaan.

Ngunit ang alapaap ay natakpan
Mga ulap na ang hatid ay ulan
Nagising na lang tayo kinabukasan
Kapwa bigo at naging luhaan.

Masakit tanggapin ang katotohanan
At sadyang madaming mga dahilan
Kasabay nang pag patak ng ulan
Inagos ang pag-ibig natin ng tuluyan.

Heto ako ngayon at nag-iisa
Tanaw ang alapaap at hanap ka
May bahagharing gumuhit sa langit
At napapangiti ako nang pilit.

Bakit iisa lang ang kulay
Ng bahagharing nakatunghay
Ako ba ay namamalikmata
O sadyang nag-iba na talaga.

Doon ko lang napagtanto
Kung bakit ako'y biglang nalito
Puno pala ng luha ang mga mata ko
Ang mga kulay ay napag-isa ko.

No comments:

Post a Comment