Kasabay nang paglalakad ko sa kawalan
Siya namang simula nang pagpatak ng ulan
Parang nakikiramay ang kalangitan
Sa sobrang sakit na aking nararamdaman.
Dama ko ang mga malalaking patak
At binubura nito ang aking mga yapak
Di ko ninais na tumakbo at sumilong
Sa ilalim ng ulan ako'y nagpapakalulong.
Ang mabigat na dalahin ko'y nababawasan
Sa bawat pag tama nang patak ng ulan
Ang sakit na dala-dala ko'y nalulusaw
Pati na ang kasawiang naghuhumiyaw.
kasabay nang malakas na pagbuhos ng ulan
Tila ba naibsan ang aking kalungkutan
Marahil ay nakatulong upang maibsan
Ang mga luhang sadyang di ko mapigilan.
Nagdurugo rin pala ang langit
Animo'y nakakaramdam ito ng sakit
Dama nito ang pighati ng puso ko
At ang pagdurusang sinapit nito.
Nagpakalunod ako sa ilalim ng ulan
Pati na sa mga luha ng kasawian
Malaya akong kumawala sa kapighatian
Nang hindi napapansin ninuman.
Biglang naging maaliwalas ang kalawakan
At kasabay na rin ang pagtila ng ulan
Nakatawag pansin sa akin ang kanluran
Nagkulay dugo ang parte ng kalangitan.
Bakit naging kulay dugo ang kanluran
Dama ba hanggang langit itong kalungkutan
Paraan kaya ito ng kalikasan
At ako ay kanyang binabantayan.
Nagdurugo rin pala ang langit
Animo'y nakakaramdam ito ng sakit
Dama nito ang pighati ng puso ko
At ang pagdurusang sinapit nito.
No comments:
Post a Comment