Kay sarap sariwain at balikan
Mga alaala ng ating nakaraan
Ang mga kahapong nagdaan
Sadyang mahirap kalimutan.
Kay saya ng ating nakalipas
Mga alaalang hindi kukupas
Mga simpleng bagay na nagpasaya
Sapat na para tayo ay lumigaya.
Pandesal at pansit na pinagsaluhan
Abot langit ang ating kagalakan
Sa malamig na tig-limang piso
Tama na sa atin ang iisang baso.
Sa paglipas ng mahabang panahon
Kasabay nang pag lagas ng mga dahon
Sana ay gaya nang dati na lang
Laging sapat at walang kulang.
Mga mumunting bagay
Ang paglalakad nating nakaakbay
Kahit na bumuhos pa ang ulan
Atin lang itong tinatawanan.
Pagdating ng dapit hapon
Saksi ang mga rumaragasang alon
Magkatabi tayo sa dalampasigan
Paglubog ng araw ating pinagmamasdan.
Bago matulog ay may pahabol pa
Mga katagang nakakahalina
Pati sa panaginip ay magkasama
Ating pagmamahalan ay kay saya.
Subalit sa pag-ikot ng orasan
Merong isa sa atin na lumisan
Sana ay gaya pa rin nang dati
Magkasama tayo't magkatabi.
Sa mga sandali ng pag-iisa
Ikaw sana ang nais na makasama
Ikaw lang ang sinisigaw ng puso ko
Sana'y dinggin mo aking pagsusumamo.
Talagang kay hirap kalimutan
Ang mga alaala ng ating nakaraan
Ikaw na siyang naging mundo ko
Tanging nag-iisa sa puso't buhay ko.
Di ko mawari kung naaalala mo pa
Ang ating samahang puno ng saya
Sana'y di mo limutin saan ka man naroroon
Mga masasayang alaala ng ating kahapon.
Sana ay gaya na lang ulit nang dati
Tayong dalawa'y magkasama sa isang tabi
Sana ang dati'y maging bukas natin
Dahil ikaw pa rin ang siya kong mamahalin.
No comments:
Post a Comment