Friday, February 28, 2014

Poem 163 - Karamay Ko Ang Langit

Umiiyak na naman ang langit
Ramdam ko ang kanyang pasakit
Ibinuhos nito ang nararamdaman
Kahit sa gitna ng karimlan.

Animo'y walang katapusan
Ang hinagpis ng kayang kalooban
Ilang daang milya ang pinanggalingan
Mula sa kalawakan hanggang kalupaan.

Marahil ay ganoon katindi
Ang dulot ng kanyang pighati
Walang humpay na pagdurusa
At tumatangis siyang mag-isa.

Akala ng langit ay nag-iisa siya
At walang nakakaintindi sa kanya
Heto ako at sumasabay din
Puno ng pighati ang aking damdamin.

Halos walang patid ang mga luha ko
Umaagos na para bang gripo
Kahit na namumugto na ang mga mata
Pati pagtulog ay kinalimutan ko na.

Ngayon ko lang sinapit ito
Ang sakit tagos hanggang buto
At kahit na anong pag-iyak ko
Ayaw tumigil ang pagluha ko.

Karamay ko ang langit ngayon
At pareho kami ng sitwasyon
Ang walang tigil niyang pag-ulan
Na siya ko ring sinasabayan.

Patuloy ang pagbuhos ng ulan
Para bang wala nang katapusan
Tulad din ito ng mga luha ko
Ayaw tumigil kahit anong gawin ko.

Karamay ko ang langit ngayon
At alam niya ang aking sitwasyon
Sana sa pagtila ng kanyang ulan
Itong pasakit ko nawa'y maibsan.


No comments:

Post a Comment